Friday, January 25, 2008

sinipag na lathala + KOMENTO SA YEARBOOK

paumanhin sa mga pagkakamaling nagawa ko sa aking inilathala na blog nung nakaraan. medyo may kulang ata na mga salita roon at may mga pagkakamali sa baybay at gramatika. ginawa ko lang kasi yun sa notepad kaya hindi ko napansin ang mga iyon... ngayon, ang akin namang gagawin ay gumawa ng isang lathala na ang laman ay puro mga pilipinong salita, maliban na lamang sa mga salitang walang katumbas sa wikang ito. Ü

ahahahaha.

ayan. sapagkat nais ko talagang ibahagi sa inyo ang mga nangyayari sa aking abang buhay, narito na muli ang isang napakahabang blogpost... :D

@PAGHAHANDA. [19-20]. sa mga araw ng sabado at linggo, pinilit ko ang aking sarili na maghanda at mag-aral para sa aming darating na mahabang pagsusulit sa N3. ngunit hindi lamang naman puro pag-aaral ang aking ginawa. basta hindi lamang iyon ang aking ginawa, marami pang iba. :)

@PAGSUSULIT SA N3. [21] at dumating na rin ang araw na aking pinakahihintay [hindi dahil sa aking gusto ng pagsusulit na ito, kung hindi dahil sa nais ko nang matapos ng maaga ang kung ano mang paghihirap na maidudulot nito sa akin.] sa totoo lang, ako ay nahirapan at nadalian sa pagsusulit na ito. mahirap sapagkat sumakit ang ulo ko sa paghuhukay mula sa kaibuturan ng aking gray matter ng mga isasagot ko sa mga tanong na bumulaga sa akin. oo, naaral ko siya. ngunit sapagkat lubhang madami ang aking ipinasok na impormasyon sa aking utak, mukhang ang ibang butil ng impormasyon ay lumabas na mula rito. maari rin namang hindi nakintal sa aking long term memory ang aking mga naaral. sa kabilang banda, naging madali iyon sapagkat multiple choice ang uri ng pagsusulit, kaya naman naging madali ang pagpili ng sagot [o panghuhula]. ngunit kahit ano man ang magiging kalalabasan ng pagsusulit na iyon, aking sinisigurado na magiging masaya pa rin ako. [sana].

@PAGLALAGALAG SA ROBINSON. [21]. sapagkat mayroon kaming libreng oras para gugulin bago mag-umpisa ang aming susunod na klase, at sapagakat katatapos pa lamang ng aming pagsusulit sa N3, napagdesisyunan naming mga magkakaibigan na maglakad-lakad muna sa isang gusaling malapit roon, ang robinson. sa totoo lang, INIMPLUWENSIYAHAN ko silang gumala roon [sapagkat ngayong linggong ito, aking napagdesisyunan na maging isang masamang impluwensiya at ehemplo sa aking mga kamag-aral. nais kong maranasan kung paano mabuhay sa ganitong mundo na kalimitang tinatahak ng ibang kabataan.] ayun, kami ay naglaro sa G-Box at timezone. kami rin ay nagkaroon ng pagkakataong makapagbasa sa _________.

@PANIRANG NSTP AT COMM. [21]. ang mga klaseng ito ay aking itinuturing na panira ng aking magandang araw. wala lang. iyon lamang ang aking nararamdaman tuwing aking papasukan ang mga asignaturang ito. ngunit sa halip na sumunod sa makamundong bulong ng aking id, aking sinusundan ang malimit na tamang sigaw ng aking superego. at iyan ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa ako nagkakaroon ng kahit isang liban sa mga klaseng ito [kahit pa ako ay isang masamang impluwensiya at ehemplo para sa linggong ito.]

@PAGKUHA NG KAYAMANAN. [22]. sapagkat pansamantalang wala kaming N2 para sa linggong ito, maaari kaming pumasok ng tanghali sa araw na ito. ngunit sapagkat hindi naman alam ng aking mga kamag-aral kung anong oras akong papasok, ako ay pumasok ng maaga sapagkat, wala lang. ang una kong ginawa ay ang pumunta sa registrador ng aming unibersidad [university registrar]. ako ay nagbaka-sakali kung dumating na ang sukli para sa amin ng STFAP [kung ano man yun, hayaan niyo na lang. basta STFAP siya.] sadyang maganda ang araw ng aking pagpunta roon sapagkat kalalabas lamang ng sukli na iyon, at dahil doon, nagka-pera ako!!! BUWAHAHAHAHA!!! ngunit sa kasamaang palad, ibinigay iyon sa akin sa anyong tseke, at dahil doon, hindi ko rin iyon nagastos kaagad.

@PAGLINAW NG PANDINIG. [22]. ng kinagabihan ng araw na ito, kami ay pumunta ng aking nanay sa hospital para magpagamot ng aking tenga. ilang taon na kasi akong nabibingi at nitong nakaraang mga buwan ay sumasakit na ang mga ito. [at ngayon ko lang naisipang mgpatingin sa doktor.] akala ko nga ay nasira na ang aking tympanic membrane o kaya naman ay may nangyari na sa aking organ of Corti, ngunit sa kabutihang palad ay wala naman. kaya ngayon, napakasaya ko sapagkat ako ay nakaririnig na ng maayos. ahahahahaha!!! nakapaninibago nga, sapagkat nung una ay parang ang lakas ng tunog ng mga bagay sa aking paligid, ngunit pagkalipas ng isang araw, na-accommodate na ng aking utak ang mga sensasyong ito. :)) [ito ang epekto ng N3 sa akin]

@RESULTA NG PAGSUSULIT SA N2. [23]. susmaryosep [bawal OMG eh.] akin nang nakuha ang resulta nang aking pagsusulit sa N2. bagamat iyon ay aking itinuturing na mababa para sa aking pamantayan, akin na ring tinatanggap iyon sapagkat pasado naman ako roon, at kung tutuusin ay maituturing ko nang isang himala iyon sapagkat hindi naman talaga ako nakapag-aral ng husto roon. kung aking ibabatay ang aking nakuhang marka sa aking mga napag-aralan at sa aking kapangyarihang kung tawagin ay panghuhula, iyon ay katanggap-tanggap na...

@PAGTAWA SA KASAYSAYAN. [23]. wala kaming PE nang umagang iyon, kaya kami ay agad nang dumiretso sa CAS para sa aming kasaysayan. wala lang. napansin ko lang kasi na lubhang masaya kami ngayong araw na ito sa asignaturang ito. sa kabilang banda, akin pang dapat alalahanin kung sino ang aking iko-cosplay para sa aming darating na presentasiyon. napakahirap mag-isip lalung lalo na kung ang pagpipilian ay mga makasaysayang tao o mga tao sa UP noon... [tulong!!!]

@MAAGANG PAGPASOK. [24]. at marahil siguro sa kagagawan ng aking reticular activating system, ako ay nagising na naman ng maaga, at pumasok ng maaga. dumiretso na ako kaagad sa silid-aklatan ng aming kolehiyo at nagbasa ng ilang-araw-ko-nang-binabasa-ngunit-hindi-naman-matapos-tapos na babasahin sa kasaysayan. [para sa inyong impormasyon, hindi ko pa rin natatapos basahin iyon hanggang ngayon]. marami rin naman akong nagawa at nasaksihan sa pagpunta ng maaga sa aming silid-aklatan, kabilang na nga ang pag-aaral ng kasaysayan at kimika, at nakasaksi rin ako ng isang malamig na digmaan [cold war]. haha. wala lang. nais ko lang ipahiwatig na ako ay isa talagang napaka-sipag na estudyante, na kahit pinipilit kong maging isang masamang ehemplo at impluwensiya sa aking mga kamag-aral ay hindi ko magawa. [dumidilim ang langit!!! hahahaha!!!]

@NAKAPAPAGOD NA PAGHAHABOL. [24]. at sapagkat may nakapag-sabi sa akin na ako raw ay ipinatatawag ni ginang mejico sapagkat nawawala ang aking observational report para sa N2, ako ay pumunta sa kanyang opisina kahit na kami ay kasalukuyan pang nagka-klase para sa aming laboratoryo sa N3. pagdating ko roon, ipinahanap niya sa akin ang aking observational report. hindi ko nakita. pagkatapos, sabi niya, kung hindi naman talaga ako nagpasa ay huwag na daw akong magsinungaling. aba, aba, aba, nagpasa ako! tapos, sabi niya, kung talaga raw na nagpasa ako, tawagin ko raw ang aking mga testigo na nagpasa nga talaga ako. aba't ang sabi ko eh isang bulto ng mga testigo ang dadalhin ko sa kanya kung gusto niya nun. pagkasabi ko nun, pumayag naman siya na ihabol ko na lamang ang aking report hanggang bukas.

HANGGANG BUKAS?!? hindi ako papayag nun, kaya sabi ko sa kanya, dahil magaling ako, maya-maya lamang ay ipapasa ko na iyon. pumayag naman siya. kaya ako ay naghanap ng malapit na computer shop na may microsoft word. ayun, napa-print ko naman, ngunit ang kapalit niyon ay pagpangit ng onti ng aking report at isang malaking kawalan sa aking ipon... naipasa ko naman ng maayos ang aking report, at sabi niya ay hindi niya babawasan ng marka iyon. ABA'T DAPAT LANG!!! hindi ko ata magagawang magsinungaling, magpakatamad, o magpa-huli sa mga ganyang bagay, masipag at mabait na estudyante ata ko. [magugunaw na ang mundo!!! hahahahaha!!!!]

marami pa akong nais na ibahagi sa inyo tungkol sa aking buhay, ngunit kung ilalagay ko iyon lahat dito, lubhang nakatatamad ng basahin ito... ngunit siyanga pala... kahit hindi naman siguro mababasa ito ng aking mga pinatutungkulan...

@MGA HINAING. [naks, parang el fili lang ah. :)) ] nais ko lang ilabas ang aking saloobin tungkol sa dagdag na bayad sa aming yearbook. TAE [bawal kasi sh*t eh]. ano yang dagdag bayad na yan? kalokohan yan ah! ewan ko lang ah... ewan ko lang... tapos may narinig pa ako, para daw ata sa journ yung bayad na yun. mga tae ng elepante yang mga nagsabi niyan o, wala nga kaming natanggap na bayad diyan e. sinakripisyo namin ang memory ng mga pc namin at ang bakasyon namin diyan nung summer [na siya na palang magiging huli sanang summer break ko dahil wala kaming ganun sa nursing]. idagdag mo pa ang patuloy na pagsakit at paglabo ng aking mga mata tuwing gagamit ako ng Adobe Photoshop LINTEK! tapos madadamay pa kami diyan sa bayad-bayad na yan. ilabas niyo ang ebidensiya niyo na kailangan talaga naming dagdagan ang mga bayad namin. nagbayad kami ng tama, ginawa namin ang aming parte sa yearbook na yan, gawin niyo rin sana ng tama at matapat ang parte niyo para sa yearbook na yan...

at saka nga pla BAKIT NGAYON LANG LUMABAS o NAPA-PRINT YANG YEARBOOK NA YAN?!? kung tutuusin eh dapat mas maagang nagawa yan kasi maaga namang natapos yan, onti na lang yung kelangan na revisions na ginawa. ewan ko sa inyo. kahit medyo konti lang ang naitulong ko diyan, at kahit talagang hindi na ako nakakatulong nitong mga nakaraang buwan, malaki pa rin ang pakialam ko diyan... i care...

oo nga pala, patawad sa mga ka-journmates ko para sa mga araw na hindi na ako pumupunta, lalong lalo na kina amae, roanne, macy, dei, melai, at ray. sorry talaga, hindi na ako magpapaliwanag. sana maintindihan niyo na lang ang abang mag-aaral na ito...

at akin nang tinatapos ang paggawa ng blog entry na ito. maraming salamat kung naka-abot ka hanggang dito. Ü

No comments: